Decmeber 16, 2004. Simula ng Simbang gabi. Present lahat ng tao sa apartment. at gising na gising pa. Lahat may kanya kanyang toka. Si yang andun, nagsisimula ng mag igib ng tubig. Si gigi nagpprepare na din ng mga ingredients para sa lugaw. si gelo present din. siya daw ang gagawa ng champorado. sa unang araw ng simbang gabi, dalawa ang tinda namin. lugaw at champorado. si mel at pi, naghahanda na rin at tumutulong para ayusin ang pwesto namin sa tapat ng gate ng ust (na nasa baba lang naman ng apartment namin). si carms ba, nasaan? di ko na maalala. at ako naman, naglelettering na para sa poster na ipapaskil namin sa pwesto. GOOD MORNING, LUGAW ang pangalan ng tindahan namin, na tatagal sa loob ng siyam na araw ng simbang gabi. Lahat ay masasabi kong abala... abala ngunit masaya at may halong excitement at kasiyahan na nadarama.
Kailangan, alas tres y medya pa lang ng madaling araw nakaset up na kami. At ang oras naman na ito ay nasunod. Bago magbukas ang gate ng UST, nakahanda na kami. Naibaba na ang dalawang malalaking kaldero na puno ng lugaw at isang malaking kaldero din naman para sa champorado. Naisaayos na din ang tinda naming mga kape at yosi. Pati ang mga kobyertos, condiments para sa lugaw at ang gatas para sa champorado ay nakaayos na din sa mesang nakaset up sa gilid ng kalsada.
Bago pa lamang magsimula ang misa, may paisa isa ng bumibili. At ang kakaunting mga baryang ito ay nagdudulot ng ngiti sa aming mga labi. Ako ang kahera. Suot ko ang apron na may bulsa kung saan dun ko nilalagay ang mga benta namin. At sila yang, mel, at pi ang nagtatakal ng lugaw ng mga bumibili. Hindi kami sanay sa pagtitinda. At inaamin kong ito ay first time para sa aming lahat. Kalat kalat ang pagtatakal nila. At kahit may calculator ako, hirap pa din akong magcompute ng sukli. May halong kaba din siguro ako.
Hindi lamang mga nagsisimba ang bumibili sa amin, pati rin ang mga barangay tanod ay paisa isang lumalapit para bumili. Sila manang na nagtitinda ng puto bumbong at bibingka ay bumibili na din. Iba rin ang raket ni manong magtataho. Nakipag exchange ng taho para sa isang order ng lugaw.
Pahinga lang namin ang misa sa simbang gabi. Dahil ang mga kaganapan pagkatapos nun ay parang isang buhawing ang bilis lumipas sa aming mga paningin. Naging mabilis ang mga pangyayari. Naging abala kaming lahat na kahit ang pag uusap ay madalang naming nagawa nung mga oras na iyon. 20 minutes? Ganyan kabilis ang mga pangyayari na halos naubos ang paninda naming lugaw at champorado.
May kaunting natira. Sakto para sa agahan naming lahat na nagpagod. At sakto na rin para makapagbigay din kami ng agahan sa isang pamilyang nakatira sa gilid ng isang bakanteng lote. Sakto lang para maging masaya kami at maging masaya ang ibang tao dahil sa amin.
At ganito ang buhay namin sa walong araw pang natitira sa Simbang gabi. Oo, masaya. At hindi ko ito ipagpapalit sa kahit anong materyal na bagay. At pilit ko itong aalalahanin hanggang marahil sa pagtanda ko. At marahil, sila din, na nakasama ko sa isa sa mga masasayang yugto ng buhay namin.
___________________________________________
December 16, 2005. Simula ng Simbang Gabi. Hindi na ako nakatira sa apartment. Gabi na ako nakauwi sa bahay bago ang totoong araw ng simbang gabi. Sale sa mall ang shoes, at dahil sweldo, bumili ako ng isang pares. Umuwi ako sa bahay para lang kumain ng hapunan. At umalis ako muli para dumalaw sa yumaong ina ng isa naming kaibigan. Matagal tagal din kaming andun. Maraming napagkwentuhan.
Madaling araw na akong nakauwi sa bahay. Hindi ako inaantok. At bigla kong nakita ang kalendaryo. Unang araw pala ng simbang gabi. At imbis na matulog, hinintay ko ang oras ng simbang gabi. At habang lumilipas ang mga ito, napakaraming tumatakbo sa aking isipan. Dahil sa eksaktong araw na ito noong isang taon, abala ako. Abala kaming lahat.
Inaamin kong namimiss ko lahat ng nangyari sa akin nung isang taon. Pero sabi nga nila, everything has to move on. Hindi tayo pwedeng maiwan lang dito. Hindi pwedeng maiwan lang ako dito.
Marahil hindi na rin maalala nila mel, yang, gigi, pi, at carms ang mga nangyari noon. Pero ako, masaya. Kahit papano, pag naaalala ko, napapangiti pa rin ako. Ito ang realidad ng buhay.
Friday, December 16, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment